Opisyal na Website ng Asosasyon
CARLO ACUTIS
at ng Sanhi ng Canonization ng Mapalad na Carlo Acutis
"Maging laging 
isa kay Hesus,
ito ang  
plano ng aking buhay"

Ang Talambuhay ni Carlo Acutis

Si Carlo Acutis ay pumanaw sa edad na 15 taon lamang dahil sa nakamamatay na sakit na lukemya, at sa kanyang pagkawala, nakadama ang lahat ng mga taong nakakakilala sa kanya ng isang malaking hungkag sa buhay nila at matinding paghanga para sa kanyang maigsi ngunit masidhing patotoo ng tunay na buhay-Kristiyano. Mula nang matanggap niya ang kanyang pinakaunang Komunyon sa edad na 7 taon, hindi na siya kailanman nakaranas na lumiban sa pang-araw-araw na pagdaraos ng Banal na Misa. Tumatayo siya palagi, bago o pagkatapos ng Banal na Eukaristiya, sa harap ng Tabernakulo bilang pagsamba sa Panginoon na tunay na sumasaatin sa Banal na Sakramento Siya ay meron ding magiliw na debosyon sa Mahal na Birhen na araw-araw niyang ipinagpupuri sa pamamagitan ng pagdarasal ng Banal na Rosaryo. Ang modernong pamumuhay at mga pangyayari sa buhay ni Carlo ay maayos niyang naihahalo sa kanyang masiglang buhay-simbahan at sa kanyang debosyon kay Maria na mismong dahilan para siya ay maging katangi-tanging binatilyo na hinahangaan at minamahal ng lahat.

Ayon kay Carlo: “Ang dapat nating maging layunin ay ang matamo ang walang-hanggan, hindi ang katapusan. Ang walang-hanggan ang ating Pinagmulan. Sa Langit, tayo ay palaging hinihintay”. Ayon sa sariling salita ni Carlo: "Lahat ay ipinapanganak na orihinal subalit marami ang namamatay bilang mga kopya". Upang matamo ang layuning ito at hindi “mamatay na isang kopya,” ayon kay Carlo, dapat nating maging aguhon o kumpas ang Salita ng Diyos na dapat nating harapin sa lahat ng oras. Subalit para sa isang Layunin na ganito katayog, kakailanganin ang mga Daan na hindi pangkaraniwan: ang mga Sakramento at ang pananalangin. Higit sa lahat, inilalagay ni Carlo sa gitna ng kanyang sariling buhay ang Sakramento ng Eukaristiya na tinatawag niyang ““Ang aking daan papunta sa Langit”.

Si Carlo ay napakahusay pagdating sa lahat ng mga bagay na may kinalaman sa computer at siya ay itinuturing na henyo ng kanyang mga kaibigan at mga nakatatanda na nakatapos ng Computer Engineering Namamangha sila sa kanyang kakayahan na maintindihan ang mga nakatagong segreto at kaalaman sa computer na kadalasang nababatid lang ng mga taong nakatapos sa unibersidad. Ang mga pinagkakawilihan ni Carlo ay binubuo ng computer programming, video editing, paggawa ng website, at maging ang paggawa ng mga magasin kung saan nangangasiwa siya ng pagsulat at layout nito, at hanggang sa pagtulong bilang boluntaryo sa mga nangangailangan, sa mga bata at sa mga matatanda.

Samakatwid, maituturing na isang misteryo ang maka-Diyos na binatilyong ito mula sa Diyosesi ng Milan, na bago pumanaw, inihandog niya ang kanyang mga paghihirap sa Papa at sa Simbahan.