Presentasyon
Mula sa Panimula ni Kardinal Angelo Comastri:
“Maging lagi kay Hesus, ito ang plano ng aking buhay”.Sa munting salita na ito, inilalarawan ni Carlo Acutis, isang binatilyong pumanaw dahil sa lukemya, ang namumukod na bahagi ng kanyang maigsing buhay: mabuhay kasama si Hesus, para kay Hesus, sa loob ni Hesus. (…)“Masaya akong mamamatay dahil hindi ko inilaan ang kahit isang minuto man lang ng aking buhay sa mga bagay na hindi ikinalulugod ng Panginoon”. Maging sa atin, ibinibigay ni Carlo ang paanyayang ito: isalaysay ang Ebanghelyo sa pamamagitan ng ating sariling buhay, sa gayon, bawat isa sa atin ay maging ilaw na tumatanglaw sa landas ng iba.
Mula sa panilmula ng Lubos na Kagalang-galang Monsenyor Michelangelo M. Tiribilli:
Isang binatilyo sa panahon natin na katulad ng iba, abala sa mga gawain sa paaralan, kasama ang mga kaibigan, dalubhasa sa computer kumpara sa ibang kabataan na kaedad niya. Sa lahat ng ito, dumating ang pagkakataon na makilala niya si Hesukristo.
Si Carlo Acutis ay naging isang saksi ng Bagong Pagsilang, nananalig sa Birheng Maria, nabubuhay sa grasya at ibinabahagi sa kanyang mga kaedad ang bukod-tanging karanasan niya sa Panginoon.
Araw-araw siyang nabubuhay sa Eukaristiya, taimtim na nakikibahagi sa Banal na Misa, nagdarasal sa loob ng mahabang oras sa harap ng altar Ang kanyang karanasan at ang paglawak ng pag-unawa sa iglesya ay nagpapakita kung gaano katotoo ang mga tagubilin ng Santo Papa Benedicto XVI sa Pangaral na Apostolika Sacramentum Caritatis: "Ang sakripisyo ng Banal na Misa at ang pananampalataya sa Eukaristiya ay nagpapatunay, nagpapalakas at nagpapaunlad ng pagmamahal kay Hesus at ng pagiging handa para sa serbisyo sa simbahan.
Si Carlo ay meron ding magiliw na debosyon sa Birheng Maria, taimtim na nagdarasal ng Rosaryo, at inihahandog ang kanyang mga sakripisyo na animo’y mga bulaklak, kay Maria na itinuturing niya na Mapagmahal na Ina.
Ang binatilyong ito na walang ipinagkakaiba sa kanyang mga kaklase sa paaralan, ay isang tunay na patotoo na ang Ebanghelyo ay maaaring ganap na maging bahagi ng buhay ng mga kabataan.
Ang kanyang maigsing buhay na nakaukol sa paglilingkod kay Kristo, ay parang ilaw na nagbibigay liwanag sa landas ng hindi lamang maraming tao na kanyang nakilala, kundi pati na rin ang sinumang makakaalam ng kuwento ng kanyang buhay. Matibay ang paniniwala ko na ang unang talambuhay na ito ni Carlo Acuts na isinulat ni G. Nicola Gori, salamat sa kanyang tanyag na kaalaman sa paglalarawan, ay makatutulong sa mga kabataan ng kasalukuyang panahon na puno ng problema at lubos na naaapektuhan ng mass media, na magnila-nilay sa kahulugan ng buhay at ang kahalagahan nito sa simbahan bilang ganap na pag-unawa nito.
Kung titingnan natin ang binatilyong ito bilang isang karaniwang kabataan na bukas-loob na tinanggap si Kristo sa kanyang buhay, at mismong dahil dito, nakaranas siya ng tunay na kaligayahan. Gayundin, ang ating mga kabataan ay maaaring magkaroon ng karanasan sa buhay na hindi nagkukulang sa yaman at kulay ng buhay-kabataan, sa halip ay pinatitingkad pa itong mabuti.
Ang patotoo ng ating Carlo ay hindi lamang inspirasyon sa mga kabataan ngayon. Itinutulak din nito ang mga rektor, mga pari, mga nagtuturo na kwestiyunin kung gaano kabisa ang pangangaral na ibinibigay nila sa mga kabataan ng ating mga parokya, at kung paano pa gagawing mas mabisa at mas malawak ang pangangaral na ito.